Pages

Sunday, August 28, 2011

Lobo



Ikaw ang aking lobo....


Pula. Pula ang kulay mo. Gaya ng mga hibla ng gapatak ng mga dugong umaawit, nagsasayaw at kung minsan nagtatambling tuwing makikita kang ngumingiti. Ang ngiti mong pilit akong dinadala sa isang mundo kung saan kulay asul ang mga dahon and kulay rosas ang kalangitan. Pula wangis ng mga labi mong pinapatahan ang mga luhang pumapatak sa tuwing naaalala ka.

Bilog. Bilog ang hugis mo. Isang siklong hindi natatapos. Gaya ng walang katapusang balong nakatatak sa iyong mga mata. Ang titig ng mga mata mong hindi matutumbasan ng libo libong ritmo, liriko at tula.

Pisi. Isang pisi ang nagdudugtong sa iyo at sa lupa. Isang pising kapag hinila, walang almang padadapuin ang lobo sa nagaantay na palad. Walang kahirap hirap. Gaya ng iyong haplos. Isang haplos na nagbibigay sa akin ng kakayahang lumipad at harapin ang mga engkanto at nunong pilit gumagambala sa akin tuwing gabi. Nagagawa ito ng iyong haplos - ng walang kahirap hirap.

Ikaw ay isang lobo. Isang lobong hindi sa akin. Isang lobong sinusuyod ang kalangitan, naghahanap ng madadapuan o maaaring hindi na rin gustong hagkan ang lupa. Sa palad ko o sa iba ka man mapunta, pilit pa rin kitang tatanawin - isang naglalayag na pula sa gitna ng nakakalunod na asul.

Sana nga lang, di ka matuka ng ibon o masagasaan ng eroplano :)





1 comment:

donmoda said...

so poetic, and so inspired! this post was written by someone who is either truly in love, or with a hopelessly unrequited love! :)